Nangangamba ang mga miyembro ng MANIBELA sa San Juan City na nakahabol sa deadline ng franchise consolidation para sa PUV Modernization na madamay sa gagawing panghuhuli ng mga kolorum na sasakyan.
Ito’y dahil sa hinihintay pa rin ng mga ito ang kanilang sticker na nagpapatunay na sila’y consolidated na at makakabiyahe na sa kani-kanilang mga ruta.
Ang mga jeepney driver na ito ay namamasada sa mga rutang San Juan-Sta. Mesa, San Juan-Recto, at San Juan-Divisoria.
May ipinakita naman silang mga dokumento na nagpapatunay ng kanilang consolidation kaya’t ito ang palagian nilang dadalhin para ipakita sakaling mahuli.
Gaya sa Pasig City, nananatiling normal ang biyahe ng mga pampublikong sasakyan sa San Juan at hindi naman nababalam ang biyahe ng mga pasahero. | ulat ni Jaymark Dagala