Nasa piling na ng kanyang pamilya sa bayan sa Bacolor, Pampanga ang mga labi ng overseas Filipino worker (OFW) na namatay sa pagbaha sa United Arab Emirates (UAE).
Dumating kahapon, Mayo 4, sa bansa ang mga labi ni Jenny Gamboa, isa sa tatlong OFW na namatay sa nasabing bansa nang manalasa ang malawakang pagbaha noong Abril.
Sa tulong ng Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa Region 3, naiuwi ang mga labi sa piling ng kanyang pamilya .
Batay sa ulat, namatay ang OFW sa loob ng sinasakyang shuttle van sa kasagsagan ng pagbaha kung saan nahirapan umano itong makahinga, kasama nito ang isa pang Pinay na nasawi rin sa insidente.
Bukod sa kanya, naiuwi na rin sa bansa ang mga labi ng dalawa pang OFW na kapwa ding namatay noong kasagsagan ng baha. | ulat ni Rey Ferrer