Pagtutulungan ng Land Registration Authority (LRA) at Office of the Solicitor General (OSG) ang paghahain ng court proceedings para mabawi ang nasa 320 “titled” prime lots na pagmamay-ari ng sinasabing Chinese drug lord na si Willie Ong at mga associates nito sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ayon kay House Committee on Dangerous Drugs Chair Robert Ace Barbers, ang hakbang na ito ay para hindi mabenta nina Ong ang kanilang mga lupain sa mga indibidwal na walang kamalay-malay.
“Kailangan natin na maipaalam sa publiko na kwestyonable ang mga ito at mabigyan din ng proteksyon ang sinuman na kanilang pagbebentahan nito. At dapat malaman din natin kung paano nila binili ang mga properties na ito, gaano kalalaki ang mga ito, binayaran ba nila ang mga ito ng cash, through the banks, o gumamit sila ng laundered money that are proceeds from their drug business or other illegal transactions,” giit ni Barbers.
Batay na rin sa imbestigasyon ng komite ukol sa nasabat na iligal na droga sa Mexico, Pampanga, si Ong at ang mga kasosyo nito sa negosyo ay pawang mga Chinese na nagpapanggap bilang mga Pilipino.
Katunayan, ang Chinese name ni Ong ay Cai Qimeng at nakalabas na ng bansa noon pang October 2023 gamit ang Chinese passport.
“They own 55% of Empire 999 Realty Corporation, which is in direct violation of the
constitutional limitation of the 60-40 equity. Since Willie Ong and company are not Filipinos, their Philippine passports must be immediately cancelled by the Department of Foreign Affairs while Empire 999 Realty Corporation’s SEC registration be revoked and the corporation dissolved,” sabi ni Barbers.
Batay sa datos ng LRA, aabot sa 42 tituladong land holding ang nabili ni Ong at ng iba pang kasapi ng kaniyang kompanya na Empire 999.
Partikular ang Mexico, San Fernando, at Angeles City sa Pampanga; Nueva Ecija, Cabanatuan City, Aurora Province, Bulacan, Cavite City, Tagaytay City, Iloilo City, Lingayen, Pangasinan, Mandaue City, Lapu-lapu City, Valenzuela City, Quezon City, Rizal, Muntinlupa City, Taguig City, Makati City, Malabon, Paranaque City, Manila City, Davao del Norte, Isulan, Sultan Kudarat, at Tabuk, Kalinga, Apayao. | ulat ni Kathleen Jean Forbes