Habang buhay may pag-asa. Ito ang pahayag ng ilang mga nakapanayam ng Radyo Pilipinas na mga mamimili na umaasang makababalik na sa lalong madaling panahon ang NFA rice.
Sa ganitong paraan anila, ganap nang maisasakatuparan ang pangako ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mapababa sa ₱30 ang kada kilo ng bigas.
Paliwanag naman ng mga nagtitinda ng bigas, maraming nakakaapekto sa presyo ng bentahan ng bigas kasama na rito ang demand at supply, lagay ng panahon, at maging ang mga trader.
Pero sa panig naman ng mga consumer, mga negosyante rin kasi anila ang nagkokontrol ng presyo ng bigas.
Una nang sinabi ng grupong BANTAY BIGAS na duda sila na mapababa sa ₱30 ang kada kilo ng bigas pagsapit ng Hulyo.
Pero nanindigan ang Department of Agriculture na ginagawa nila ang lahat ng paraan upang maisakatuparan ito pero mas mainam kung maibabalik na ang kapangyarihan ng National Food Authority (NFA) na magbenta ng murang bigas. | ulat ni Jaymark Dagala