Umapela ang ilan sa mga mangingisda ng Zambales sa mga kongresista na iparating ang kanilang hiling na magkaroon din ng seguridad sa kanilang paglalayag papuntang Bajo de Masinloc.
Nangangamba kasi sila na pagsapit ng June 15 ay ipapatupad na ng China ang polisiya nito na arestuhin at ikulong ang mga dayuhan na iligal na papasok sa inaangkin nilang teritoryo.
Sa pag-usisa ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, walang presensya ng Philippine Coast Guard (PCG) o kaya ay Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Bajo de Masinloc kapag namamalakaya ang mga mangingisda.
Kaya naman kung sila ay habulin o i-bully ay walang matakbuhan para hingan ng tulong ang mga ito.
Apela ng isa sa mga mangingisda mabigyan sila ng seguridad sa pagpalaot papuntang Bajo de Masinloc.
Sa isang hiwalay na mensahe ay iginiit ni Speaker Martin Romualdez na sa Pilipinas ang Bajo de Masinloc at dapat na malayang makapangisda ang mga Pilipinong mangingisda doon.
Suportado rin naman aniya ng international community ang posisyon ng Pilipinas at kasama sa pagbabantay sa laban na ito.
“Maging ang mga kaalyado sa pandaigdigang komunidad, ay nagbabantay at kasama natin sa labang ito. At higit sa lahat, ang ating mahal na Pangulong Ferdinand Bongbong R. Marcos Jr. ay nasa inyong likod at kailanman ay hinding-hindi kayo pababayaan,” sabi ni Romualdez. | ulat ni Kathleen Forbes