Suportado ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang malalimang imbestigasyon laban kay Bamban Mayor Alice Guo, partikular na ang usapin ng citizenship nito at ang pagkakabisto ng POGO Hub na pagmamay-ari nito na sinalakay kamakailan.
Sa isang panayam kay Teodoro sa Baguio City, sinabi nito na dapat pagpaliwanagin ang mga opisyal ng Bamban at Pamahalaang Panlalawigan ng Tarlac gayundin ang mga naging opisyal ng Pulisya rito kung bakit nakapasok ang naturang kompaniya.
Giit ng kalihim, hindi aniya maglulunsad ng kanilang operasyon ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) kung wala silang hawak na matibay na ebidensya laban sa tinawag niyang “SCAM” hub.
Kaya naman dapat aniyang managot ang mga lokal na opisyal sa lalawigang minsan na niyang pinaglingkuran bilang kinatawan sa Kamara dahil sa tila pangungonsinte ng mga ito.
Magugunitang inirekomenda na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Ombudsman ang suspensyon kay Mayor Guo upang hindi mabahiran ang gumugulong na imbestigasyon laban sa kaniya.
Sa huli, sinabi ni Teodoro na bahala na ang solicitor general sa pag-uungkat ng iba pang detalye laban sa alkalde tulad ng kaniyang citizenship. | ulat ni Jaymark Dagala