Binalaan ng isang kongresista ang publiko na maging maingat at mapanuri lalo na sa ginagawang propaganda ng China sa West Philippine Sea.
Ayon kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, maliban sa bullying ay nagpapakalat na ng istorya ang China na nakipagkasundo ang Pilipinas sa kanila.
Ginagamit aniya ng China ang ganitong kwento upang lagyan ng ngipin ang kanilang pag-angkin sa teritoryo na sakop ng Pilipinas at para tayo pa ang magmukhang tumatalikod sa kasunduan.
“..this is one of the tactics of China part two ng propaganda ng PR ng China. In fact, Secretary Teodoro came out this morning with the statement denouncing that there was no such new arrangement. I think the Chinese is resorting to different kind of tactics, nandiyan yung bullying, pati na rin yung… kasi they understand the importance of propaganda kasi it puts legitimacy to their illegal claim,” sabi ni Adiong.
Nakakagalit lang ani Adiong na may ilang mga Pilipino na naniniwala sa naturang propaganda ng China at nagiging apologist o taga-depensa pa nito.
Malinaw naman aniya ang posisyon ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na protektahan ang ating teritoryo kaya’t ito rin ang posisyon na dapat suportahan at tindigan ng lahat bilang mga Pilipino.
Kamakailan ay pinalutang ng China na mayroong ‘new model agreement’ silang napagkasunduan kasama ang Pilipinas sa pamamagitan ng Western Command kaugnay sa isyu sa West Philippine Sea, bagay na mariing pinabulaanan at kinondena mismo ni Defense Sec. Gilbert Teodoro.
“Ang nakakasakit lang po dito as a citizen of this country, there are portions in our society that also drum double down on the wrong narrative of China, parang sila ‘yung… they act as the mouthpiece of China doon ako medyo nagagalit eh. I think it’s very clear ang position ng ating President, ang ating gobyerno that we have to fight for our claim at hindi lang ito arbitrarily claimed by the Philippines, dapat po sa ganitong usapin, we have to side with our own, we have to side with anybody who’s position really is to protect our interest, our national interest. Dapat doon po tayo pumanig sa kapwa natin, dapat dun po tayo pumanig sa mga taong ang kanilang interes ay protektahan ang ating teritoryo at soberanya,” giit ni Adiong. | ulat ni Kathleen Jean Forbes