Inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) na walang Pilipino o Overseas Filipino Worker (OFW) ang nasugatan o nasaktan kasunod ng pag-aalburoto ng bulkang Mt. Ibu sa North Maluku Province sa Indonesia.
Ito ang inihayag ng DMW kasunod ng kanilang masinsing pakikipag-ugnayan sa Migrant Workers Office nito sa Singapore.
Batay sa ulat ng Philippine Consulate General sa Manado City, walang dayuhan ang nasaktan sa pag-aalburoto ng nasabing bulkan na matatagpuan sa isla ng Halmahera buhat pa noong May 18.
Gayunman, mahigpit ang ugnayan ng Migrant Workers Office sa Singapore at Konsulada ng Pilipinas sa Manado para tutukan ang sitwasyon ng may 550 Pilipino sa lugar.
Nabatid na inilagay ng Volcanological Survey of Indonesia sa pinakamataas na alerto ang Mt. Ibu mula pa noong May 16 dahil sa sunod-sunod na pagputok na naitala ngayong buwan. | ulat ni Jaymark Dagala