Pinaabot ng mga senador ang pakikiisa sa paggunita ng Araw ng Paggawa ngayong araw.
Sa isang pahayag, iginiit ni Senate President Juan Miguel Zubiri na patuloy na pinaglalaban ng Senado ang karapatan ng mga manggagawa mula sa pagkakaroon ng mas maayos na sweldo hanggang sa pagkakaroon ng ligtas na lugar sa paggawa.
Ibinida rin ni Zubiri, na naipasa na ng Mataas na Kapulungan ang panukalang P100 legislated wage hike para sa mga manggagawa ng pribadong sektor.
Umaasa aniya ang Senate President na maipapasa na rin ito ng Kamara.
Kinilala naman ni Senate Committee on Labor Chairperson Senador Jinggoy Estrada ang katatagan at dedikasyon ng mga manggagawang Pinoy, na nagtataguyod aniya ng pag-angat ng ating bansa.
Binahagi rin ni Estrada, na hinihintay na lang nila sa Senado ang bersyon ng Kamara ng P100 legislated wage hike bill para makapagbalangkas ng final version, na papipirmahan sa Malacañang para maging ganap na itong batas.
Dinagdag rin ng senador, na para naman sa mga manggagawa sa gobyerno naghain na siya ng panukalang batas para maitaas ang basic salary ng mga kawani ng pamahalaan.
Ipinunto ng mambabatas, na napaso na ang Salary Standardization Law noong nakaraang taon kaya’t minabuti niyang itulak ang panibagong panukala para unti-unting tumaas ang buwanang kita ng mga civil servant sa mga susunod na taon.
Pinagsisikapan aniya nila ito para makamit ang layunin na mabigyan ang lahat ng manggagawang Pilipino ng disenteng pasahod, magkaroon ng work-life balance, at maginhawang buhay. | ulat ni Nimfa Asuncion