Muling tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nakahanda itong alalayan ang mga jeepney driver na hindi na makakapasada dahil sa deadline ng consolidation at pagusad ng PUV Modernization Program.
Ayon kay DSWD Spokesperson Irene Dumlao, hinihintay lamang nila ngayon ang request para sa assistance na maaaring ibigay sa mga apektadong tsuper.
Dadaan aniya ito sa assessment din ng kanilang mga social worker para masiguro ang tamang intervention na ilalan sa kanila.
Kasama sa maaaring opsyon ay ang cash aid sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) o kaya naman ay livelihood assistance.
Una na ring hinimok ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga tsuper na hindi nakapag-consolidate at hindi na makakabyahe gamit ang kanilang mga jeep na mag-apply bilang mga driver o passenger assistant sa mga iba’t ibang kooperatibang nakakuha ng prangkisa upang hindi sila mawalan ng hanap-buhay. | ulat ni Merry Ann Bastasa