Nabuhayan na ng loob ang mga tsuper ng pampublikong sasakyan partikular na ang mga jeepney sa big-time rollback na ipinatupad ng mga kumpaniya ng langis ngayong araw.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas sa bahagi ng Marcos Highway sa Marikina City, sinabi ng mga jeepney driver na malaking bagay para sa kanila ang naturang rollback lalo’t hirap sila sa pamamasada dahil sa sobrang init ng panahon.
Anila, kung dati ay kumikita sila ng ₱700 hanggang ₱800 sa kanilang maghapong biyahe, ngayon ay nagiging ₱600 na dahil sa mataas na presyo ng langis.
Nabatid na ₱0.90 centavos ang bawas presyo sa kada litro ng Diesel at ₱0.75 centavos naman ang rollback sa kada litro ng gasolina habang nasa ₱1.50 naman ang tapyas presyo sa kada litro ng kerosene.
Ito na ang ikatlong sunod na linggo na may pagbaba sa presyo ng diesel at dalawang sunod na linggo na may pagbaba naman sa presyo ng gasolina. | ulat ni Jaymark Dagala