Magpupulong ngayong araw ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Department of Public Works and Highways (DPWH) at mga kinatawan ng iba’t ibang lokal na Pamahalaan.
Ito’y para talakayin ang mga ginagawang hakbang upang maibsan ang epekto ng matinding pagbaha sa bawat lokalidad sa Metro Manila bilang paghahanda sa papalapit na tag-ulan at La Niña.
Ayon kay MMDA Chairman Atty. Don Artes, sa kanilang pagpupulong mamayang hapon ay rerepasuhin ang kanilang mga hakbang para mapigilan ang matinding pagbaha.
Inaasahan ding tatalakyin ang mga maliliit na drainage system na hindi na kayang i-accommodate ang dami ng tubig at madalas pang nababarahan ng mga basura kaya nagkakaroon ng baha.
Base sa datos ng MMDA, nasa 80 ang mga flood-prone area sa Metro Manila dahil karamihan sa drainage system ay outdated na.
Samantala, sinabi naman ni Artes na noong 2023 mayroong 104 na flood-control projects at para sa taong 2024 ay mayroong 101 flood-control projects at 61 dito ang ongoing pa at inaasahang matatapos naman ngayong taon. | ulat ni Jaymark Dagala