Nagbabala ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa publiko laban sa bagong kumakalat na text scam na tinatawag na “No-Touch Arrest Penalty.”
Ayon sa MMDA, ilang netizen ang nagpadala sa kanila ng screenshot ng text message na nagsasabing kailangan nilang bayaran ang multa kaugnay sa traffic violation.
Ang text message ay may kasamang link ng website na ginagamit ang pangalan ng Land Transportation Office (LTO).
Sinabi ng MMDA na walang ganitong polisiya na ipinatutupad at ang link sa text message ay ididirekta lamang ang mga biktima sa isang pekeng website na may layuning magnakaw ng kanilang personal na impormasyon.
Sa direktiba ni MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes patuloy na makikipag-ugnayan ang ahensya sa LTO at sa mga awtoridad upang matukoy at mahuli ang mga nasa likod ng scam na ito.
Paalala naman ng MMDA na huwag pindutin ang link upang makaiwas sa pagbibigay ng personal na impormasyon at kung may matanggap na kahina-hinalang mensahe o post sa social media maaaring tumawag sa MMDA Hotline 136.| ulat ni Diane Lear