Patuloy ang ginagawang paghahanda ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa papalapit na tag-ulan at La Niña.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes na nasa 80 mga flood-prone area sa Metro Manila ang natukoy ng ahensya.
Ayon kay Chairman Artes, kalimitan ang mga lugar na ito ay mababa at ‘yung mga tubig sa iba lugar ay dito napupunta.
Gayundin, ang mga drainage system ay maliit at hindi na kayang i-accommodate ang dami ng tubig at madalas pang nababarahan ng mga basura kaya nagkakaroon ng baha.
Ani Artes, nagtutulong-tulong ang MMDA, DPWH at mga lokal na pamahalaan para matuganan ang problema.
Tulad na lamang ng regular na koleksyon ng basura, paglalagay ng trash traps sa mga daluyan ng tubig, drainage declogging operations at plano ring magsagawa ng ahensya ng massive clean-up drive.
Magdaragdag din ng mga pumping station ang MMDA sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila na madalas bahain at ito ay popondohan ng World Bank at inaasahang matatapos ngayong taon.
Hinikayat naman ng MMDA ang publiko na maging disiplinado sa pagtatapon ng basura upang maiwasan ang mga pagbaha.
Sa Miyerkules magsasagawa ng pulong ang MMDA at mga lokal na pamahalaan upang talakayin ang mga paghahanda sa paparating na La Niña.| ulat ni Diane Lear