Aabot sa 151 cubic meters na mga basura ng nahakot ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Ilog Pasig.
Katumbas ito ng 53 toneladang basura gayundin ng mga tinatawag na water hyacinth na siyang nakasasagabal sa maayos na daloy ng tubig sa naturang ilog.
Ayon sa MMDA, bukod sa paghahanda sa papalapit na La Niña ay sagabal din ang mga naturang basura sa operasyon ng Pasig River Ferry Service.
Magugunitang inihayag ng Administrasyong Marcos Jr na kabilang sa mga prayoridad nito ang puspusang paglilinis sa ilog Pasig sa ilalim ng Pasig Bigyang Buhay Muli program.
Layon nito na pakibangan ng publiko ang mga daluyan ng tubig para sa recreation, turismo at transportasyon. | ulat ni Jaymark Dagala