Aabot na sa P101 milyon ang halaga ng ayudang naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development sa mga lalawigang naapektuhan ng El Niño phenomenon.
Kabilang sa naipamahaging tulong ng ahensya ang mga food pack pati na ang cash-for-work at training sa ilalim ng Project LAWA at BINHI.
Ayon kay DSWD Spokesperson Irene Dumlao, nakinabang sa tulong na ito ang nasa tatlong milyong indibidwal na apektado sa ngayon ng matinding tagtuyot.
Mula ito sa request ng mga LGU sa 13 rehiyon sa bansa na tinamaan ng El Niño.
Una na ring tiniyak ng DSWD na sapat ang pondo nito sakaling mangailangan pa ng karagdagang tulong ang mga apektado ng El Niño.
Katunayan, aabot pa sa higit tatlong bilyon ang available relief resources nito kabilang ang standby funds at stockpile. | ulat ni Merry Ann Bastasa
: DSWD