Malaking bagay para sa mga taga-Mindanao ang nakatakdang pagbisita muli ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. doon ngayong araw ayon kay Lanao del Norte Representative Khalid Dimaporo.
Mamamahagi ng tulong ang Presidente sa mga magsasaka, mangingisda, at mga pamilya na lubhang apektado ng El Niño sa Iligan City at Cagayan de Oro.
Aniya, nagdadala ng saya sa mga residente tuwing makikita nila ang Pangulo dahil ipinapakita nito na hindi nalilimutan ng pamahalaan ang Mindanao.
Malaking tulong din aniya ang gagawing pamamahagi ng ayuda sa hunger mitigation lalo at mataas ang poverty at hunger incidence sa kanilang rehiyon.
Sinabi pa ni Dimaporo na ipinapakita nito ang malasakit ng Presidente sa sektor ng agrikultura at mga nagugutom at nakahanda sa kagyat na pagtugon ang pamahalaan.
“The distribution sa mga farmers, fisherfolks and so forth, malaking tulong para sa amin especially in hunger mitigation because Mindanao is the region where we have high incidents of poverty and many more provinces, high incidents also of hunger. So, it brings the attention of the national line agencies na kung dumaan si Presidente, for example Cagayan de Oro or Iligan City/Lanao del Norte and he’s distributing programs for the fisherfolk, farmers to hopefully end hunger, dapat hindi mapahiya si Presidente Bongbong Marcos,” pahayag ni Dimaporo. | ulat ni Kathleen Jean Forbes