Inabisuhan na ng National Electrification Administration (NEA) ang mga electric cooperative na paghandaan ang pananalasa ni bagyong Aghon.
Ayon sa NEA-Disaster Risk Reduction and Management Department, kailangang handa na ang contingency measures ng mga EC upang maibsan ang epekto ng bagyo sa power distribution service sa mga consumer.
Kinakailangan na ng mga ito na i-activate ang kanilang emergency response organization para sa emergency response plan at siguruhing may nakandang mga kagamitan o buffer stocks na agarang magagamit sa power restoration.
Sabi pa ng NEA, dapat ding ibalik agad ang electric service sa mga areas na hindi naman naapektuhan ng bagyo, ngunit pansamantalang pinutol para sa safety reasons.
Paalala pa sa mga EC na magsumite ng damage at power situation report sa NEA-DRRMD.
Hanggang alas-8:00 ng umaga, ang bagyong si Aghon ay patuloy na kumikilos pa-Hilagang Kanluran at ngayon ay nasa karagatan na ng Samar.
Inalis na rin ng PAGASA ang tropical cyclone wind signal # 1 sa Dinagat Islands sa Mindanao. | ulat ni Rey Ferrer