Kumpiyansa ang National Economic and Development Authority (NEDA) na maaabot ng Pilipinas ang 6 to 7% target growth rate para sa taong ito.
Iyan ang inihayag ni NEDA Sec. Arsenio Balisacan makaraang iulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na pumalo sa 5.7% ang GDP growth ng bansa sa unang bahagi ng 2024.
Ayon kay Balisacan, kinikilala naman nila ang pangangailangan upang agad na matugunan ang epektong dulot ng climate change sa takbo ng ekonomiya subalit marami pa ang dapat gawin.
Kabilang na rito ang paglalatag ng isang action plan para tiyakin ang kalusugan at kaligtasan ng mga Pilipino lalo na iyong mga nasa tinatawag na ‘vulnerable sector’.
Binigyang diin pa ng Kalihim na makapagbabalangkas sila ng mga angkop na polisiya alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa ilalim ng Bagong Pilipinas.
Nananatiling komited ang pamahalaan na maisakatuparan ang mabilis, matatag at nagkakaisang paglago para bigyan ng maginhawang buhay ang bawat Pilipino. | ulat ni Jaymark Dagala