Humihirit ang National Food Authority (NFA) ng P16.3 bilyon para sa pagbili ng palay sa 2025.
Ito ay upang makamit ang dami ng target volume para sa national buffer stock at sa dagdag na budget para sa pag-upgrade ng storage capacity nito.
Ayon kay NFA Acting Administrator Larry Lacson, na bukod sa pagpopondo sa pagbili ng palay mula sa mga lokal na magsasaka, kinakailangan nang bumuo ng karagdagang mga pasilidad sa pag-iimbak at pagsasaayos ng drying facilities upang mapabuti ang buffer stocking.
Sa kasalukuyan, ang NFA ay may kapasidad lamang na magtuyo ng 31,000 metrikong tonelada pero bumibili ng humigit-kumulang na 495,000 metrikong tonelada ng palay.
Sa panukalang budget ng Department of Agriculture para sa 2025, P24.85 bilyon ang inilaan para sa NFA na mas mataas ng 77 percent kumpara sa P14.03 bilyon ngayong taon.
Sa pondo para sa taong ito, P9 bilyon ang inilaan para sa pagbili ng palay ng NFA, na may assumed procurement price na P23 kada kilo.
Samantala, pinag-uusapan pa rin sa Kongreso kung ibabalik ang kapangyarihan ng NFA na mag-angkat ng bigas o magpatatag ng presyo sa merkado. May ilang senador kasi na nagmungkahi na ibigay na lang sa DA ang kapangyarihang ito. | ulat ni Diane Lear