Mula ala-1 hanggang alas-5 ngayong hapon, nagpatupad ng rotational brownout ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa ilang bahagi ng Negros Oriental.
Sa abiso ng NGCP, ipinatupad ang Manual Load Dropping (MLD) dahil sa overloading ng Amlan-Station 69kV line.
Apektado dito ang Negros Oriental Electric Cooperative II (NORECO II) na nagsesrbisyo sa Pulantubig, Bagacay, Dauin at Siaton Substations.
Ayon sa NGCP, ang rotational brownout ay mangyayari kung ang iminungkahing Amlan-Dumaguete 138-kiloVolt (kV) transmission project—na nilalayong tugunan ang mga limitasyon ng Amlan-Siaton 69kV line—ay hindi matapos kaagad.
Ang Amlan-Dumaguete 138kV Line ay sertipikado bilang Energy Project of National Significance (EPNS).
Hiniling na rin ng NGCP ang suporta ng komunidad, local government units, at iba pang stakeholders para matapos ang proyekto.
Nakikipagtulungan na rin ito sa Provincial Government ng Negros Oriental at NORECO II para maresolba ang mga hadlang sa pagkumpleto ng linya. Kailangan lamang na maglabas ng kinakailangang permit ang LGUs para matapos ang proyekto sa lalong madaling panahon. | ulat ni Rey Ferrer