Nanawagan ang National Security Council (NSC) sa Kongresso at sa Senado na suportahan ang mga programa na magpapabilis sa modernisasyon ng militar.
Sa isang kalatas, sinabi ni National Security Adviser Sec. Eduardo Año na inaasahan niya na maglalaan ang lehislatura ng kinakailangan pondo para sa Horizon III ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Modernization Program, bilang pagsuporta sa Comprehensive Archipelagic Defense Concept (CADC).
Sa ganitong paraan aniya ay mas mahusay na magagawa ng AFP na tutukan ang territorial defense at pangangalaga sa integridad ng bansa.
Ang pahayag ay ginawa ng kalihim kasunod ng paglabas ng resulta ng “Tugon ng Masa” survey para sa unang kwarter ng 2024, kung saan 68 porsyento ng respondent ang sumusuporta sa patuloy na modernisasyon ng AFP para mas epektibong maipagtanggol ang bansa sa panlabas na agresyon. | ulat ni Leo Sarne