Binalewala ng National Security Council (NSC) ang huling banta ng China na aarestuhin ang mga “trespasser” sa kanilang inaangking teritoryo sa West Philippine Sea.
Sa palatuntunang “Bagong Pilipinas Ngayon” sa PTV-4 kahapon, sinabi ni NSC Assistant Director General Jonathan Malaya na pawang “scare tactic” lang ang banta ng China.
Paliwanag ni Malaya, kung ireklamo ito ng Pilipinas sa China, ay parang pagkilala ito sa awtoridad ng China sa mga naturang lugar, kaya hindi na lang ito dapat pansinin.
Panawagan ni Malaya sa mga mangingisda at iba pang sibilyang naglalayag sa West Philippine Sea na ituloy lang ang kanilang normal na aktibidad sa karagatan.
Binigyang-diin ni Malaya na igigiit ng Pilipinas ang pananaig ng international law sa karagatan bilang tanging paraan na magkaroon ng “rules-based international order.” | ulat ni Leo Sarne