Walang nakikitang dahilan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang buwagin ang National Task Force To End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
“Wala namang dahilan kung bakit natin tatanggalin ‘yan. Ang sinasabi, dahil mayroon raw red-tagging na ginagawa. Hindi naman gobyerno gumagawa noon. Kung sino-sinong iba ang gumagawa noon.” —Pangulong Marcos Jr.
Sa ambush interview sa Cagayan de Oro City, ipinaliwanag ng Pangulo na malaki ang nabawas sa internal security threat sa Pilipinas dahil sa mga ginagawa ng NTF-ELCAC.
Sabi ni Pangulong Marcos, tatapusin ng pamahalaan ang paglinis sa lahat ng barangay na hindi pa nasusuyod ng ELCAC, laban sa insurhensiya.
Kasabay ng pagtupad ng gobyerno sa pangako nitong pagtulong sa mga rebeldeng magbabalik loob sa pamahalaan.
“Ang [naipangako] natin na kapagka kayo ay bumaba, at kayo ay itinigil ninyo ang paglalaban ninyo sa gobyerno, tutulungan kayo namin sa hanapbuhay ninyo. Aayusin namin ang mga barangay ninyo para maganda ang buhay ninyo. Kaya’t yun, kaya naman sila ay nakikita mo, ay sinasabi na ang hirap-hirap ng buhay ninyo sa bundok. Lagi kayong gutom, lagi kayong nagtatago.” —Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan