Itinutulak ni Senator Imee Marcos ang patuloy na paglalaan ng alokasyon sa taunang pondo ang P10 bilyong suporta para sa mga rice farmer sa pamamagitan ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF).
Sa ilalim kasi ng Rice Tariffication Law, ang rice fund ay magiging epektibo lang ng hanggang anim na taon o mula 2019 hanggang 2025.
Kaya naman ipinapanukala ni Senator Imee na ituloy-tuloy pa ito hanggang taong 2031.
Ito ay para aniya mapakinabangan pa ang makokolektang buwis mula sa mga iaangkat na bigas at maipamahagi sa PHilMEC (Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization), Philrice (Philippine Rice Research Institute), at sa mga lokal na pamahalaan at kooperatiba.
Sinabi ng mambabatas, na makakatulong ito para hindi na malugi ang mga magsasaka.
Minungkahi rin ni Senator Imee, na dapat magkaroon ng presidential commission o task force para resolbahin ang problema sa bigas lalo’t inaasahan na hanggang Hulyo ay tataas pa ang rice inflation dahil sa pagnipis ng pandaigdigang suplay at patuloy na pagkasira ng mga pananim dulot ng El Niño. | ulat ni Nimfa Asuncion