Namahagi ng P62.8 milyon na tulong sa mahigit 20,000 na near poor family ang Department of Social Welfare and Development Field Office 6 (DSWD FO-6) sa isinagawang launching ng Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP).
Sa nasabing halaga, P12.2 milyon ang naibigay sa mahigit 4 na libong benepisyaryo sa Iloilo; P29.8 milyon para sa mahigit 9 na libong sa Negros Occidental; P4.2 milyon sa mahigit 1 libong benepisyaryo sa Aklan; P7.1 milyon sa mahigit 2 libong benepisyaryo sa Antique; at P9.7 milyon sa mahigit 3 libong benepisyaryo sa Capiz.
Bawat benepisyaryo, nakatanggap ng P3,000.
Sinabi ni Atty. Carmelo Nochete, regional director ng DSWD FO-6, na ang AKAP ay para sa mga low income earner na tumatanggap ng minimum wage rate.
Ang AKAP ay paraan ng pamahalaan upang matulungan ang near poor families na apektado ng inflation. Hindi kabilang sa mga benepisyaryo ang mga 4Ps at social pension beneficiaries.
Target na makapamahagi ng P73.4 milyon sa Western Visayas para sa 24,476 na benepisyaryo ng programa.
Sa kasalukuyan, halos nasa 80% pa lamang ang naipamahagi dahil nagpapatuloy pa rin ang deduplication sa Guimaras at ilang lugar sa lalawigan ng Iloilo. | ulat ni Merianne Grace Ereñeta| RP1 Iloilo