Welcome sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) ang pahayag ni Pang. Marcos na iccertify nito bilang urgent ang panukalang amyenda sa RA 11203 o Rice Tariffication Law.
Ayon kay SINAG Executive Director Jayson Cainglet, iminumungmahi nilang maitaas ang kasalukuyang ₱10-billion fund allotment sa ₱30-billion pondo para mas masuportahan ang lokal na industriya.
Sa ilalim ng pondong ito, maaari aniyang makapaglaan ang DA ng ₱7-billion cash assistance sa mga magsasaka, ₱6-billion para sa binhi, at ₱5-billion para sa makinarya.
Ang matitirang pondo, iminungkahing ilaan sa pagpapalawak ng post production facilities (dryers, warehouse, milling equipments); small water impounding projects, at pest management at fertilizer support.
Pagdating naman sa papel ng National Food Authority (NFA), nais ng SINAG na limitahan ito sa buffer stocking, at direktang pagbili ng palay sa mga lokal na magsasaka.
Una nang sinabi ng DA na suportado nila ang itinutulak ng Kamara na amyenda sa RTL at ang dagdag na alokasyon para sa mga programang nakatutok sa pagpapalago ng local rice production at kita ng mga magsasaka. | ulat ni Merry Ann Bastasa