Nanawagan si National Security Adviser Secretary Eduardo Año sa lahat ng mamamayan na i-display ang bandila ng Pilipinas bilang simbolo ng pagmamahal sa bayan at commitment na ipagtanggol ang teritoryo at soberenya ng bansa, sa gitna ng kasalukuyang tensyon sa West Philippine Sea.
Ang panawagan ay ginawa ng kalihim sa isang kalatas kasabay ng taunang paggunita ng “National Flag Day” na nagsimula noong May 28.
Inengganyo ng kalihim ang lahat ng Pilipino na magkabit ng bandila sa kanilang mga sasakyan, tirahan, tanggapan, paaralan, at iba pang establisimyento hanggang sa komemorasyon ng Araw ng Kalayaan sa June 12.
Sinabi ng kalihim na ang pag-display ng bandila ng Pilipinas ay hindi lang bahagi ng tradisyon, kundi pagpapakita ng pagmamahal sa bansa, at kahandaang mag-alay ng ultimong sakripisyo para sa bayan.
Dagdag ng kalihim, may matinding pangangailangan na harapin ng bansa ang seryosong banta sa pambansang seguridad, kabilang ang pagpapakalat ng disimpormasyon, malign influence, at panghihimasok sa pambansang teritoryo. | ulat ni Leo Sarne