Kinilala ni House Committee on Labor and Employment Chair Fidel Nograles ang naging hakbang ng pamahalaan para mabigyan ng trabaho ang mga dating rebelde na bahagi ng kanilang reintegration program.
Kasunod ito ng anunsyo ng NTF-ELCAC na nasa 10,000 na dating rebelde na ang nakabenepisyo sa TUPAD program ng DOLE.
Sabi ni Nograles, mahalaga ang livelihood at employment programs na ito sa pagbabalik sa lipunan ng dating mga rebelde at upang bigyan sila ng bagong pag-asa.
“Mahalaga ang mga trabahong ito dahil nabibigyan ng panibagong pag-asa ang mga dating rebelde na makakapamuhay nang marangal ang kanilang mga pamilya,” sabi ni Nograles.
Hinikayat din ng Rizal solon ang pamahalaan na ipagpatuloy ang pagsuporta sa mga nagbalik-loob sa pamahalaan hanggang sa magkaroon ng pangmatagalang pagkakakitaan.
Sa ganitong paraan aniya ay masisiguro na hindi na sila babalik pa sa insurgency.
Para sa mambabatas, hindi pisikal na pwersa ang tatapos sa insurgency o pag-aaklas kundi kolektibong pagtugon ng pamahalaan lalo na sa pagbibigay ng trabaho, edukasyon at serbisyong pangkalusugan.
“Ultimately, I believe that it isn’t physical force that will put an end to insurgency, but our collective effort to address its root causes. I am hopeful that with the government’s attempts to address poverty through job generation, education, health care, etc., we will see a new dawn of peace in our communities,” sabi ni Nograles. | ulat ni Kathleen Jean Forbes