Welcome para kay Senadora Grace Poe ang pagpasok ng mga bagong kumpanya sa motorcycle taxi industry.
Binigyang diin ni Poe na makikinabang ang mga komyuter sa pagkakaroon ng healthy competition sa naturang industriya.
Kasabay nito, pinunto ng senadora na ngayong tapos na ang pag-aaral ng technical working group (TWG), malinaw aniyang epektibo ang mga motorcycle taxi bilang alternatibong uri ng transportasyon basta’t may nakalatag lang na sapat na mga panuntunan para sa kaligtasan sa kalsada at ng mga mananakay.
Nagbibigay rin aniya ng dagdag na datos ang pag-aaral na ginawang TWG para sa pagpapalawak ng MC taxi industry.
Giniit ni Poe na ito ang dahilan kaya isinusulong niya ang pagsasalegal na ng MC taxis sa bansa.
Sa pamamagitan kasi aniya nito ay magkakaroon na ng legal na basehan ang mga komyuter para sa mas mabilis, mas mura at mas convenient na masasakyan, lalo sa gitna ng mabigat na daloy ng trapiko o mga lugar na mahirap mapuntahan.
Umaasa ang mambabatas na maipapasa na ang panukalang na magsasalegal ng MC taxis bago matapos ang 19th Congress sa 2025.| ulat ni Nimfa Asuncion