Upang suportahan ang implementasyon ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program na layong maibsan ang kahirapan sa bansa, inaprubahan ni DBM Sec. Amenah Pangandaman ang paglikha ng 4,265 posisyon para sa iba’t ibang field offices ng Department of Social Welfare and Development.
Ayon sa Kalihim, mahalagang malagyan ng mga permanenteng empleyado ang naturang programa upang mas maging epektibo ang pagpapatupad ng 4Ps.
Sa ngayon, pawang mga contractual Project Development Officer II ang mga humahawak ng programa sa Pantawid Pamilya.
Ang mga contractual Project Development Officer II positions ay nilikha upang dagdagan ang kasalukuyang staff ng DSWD upang pamahalaan ang kanilang trabaho nang mas mahusay, na naglalayong magkaroon ng caseload na isang manager para sa bawat 300 na sambahayan.
Noong Agosto 31, 2023, nasa 3,976,653 household beneficiaries sa 41,676 barangay sa buong bansa o 90.38% ng 4.4 milyong target households, base sa Fiscal Year 2023 report ng DSWD.
Dati, pinahintulutan ng DBM ang paglikha ng 12,637 na posisyon sa pagpapatupad ng 4Ps, kung saan 5,291 na posisyon ang nagsilbing case manager sa pagtugis ng 4Ps.
Ang pondo para sa paglikha ng nasabing 4,265 PDO II contractual positions ay kukunin mula sa available allotment ng DSWD.
Sakaling kukulangin, ang kinakailangang pondo ay kukunin mula sa available appropriations sa 2024 General Appropriations Act. | ulat ni Mike Rogas