Tiniyak ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na kasama ang paglutas sa korapsyon sa National Food Authority sa mga amyendang ipapasok sa bagong Rice Tariffication Law.
Tugon ito sa pagtutol ni Sen. Cynthia Villar sa isinusulong na RTL amendment.
Ayon kasi sa senadora, kaya inalis sa NFA ang pagbebenta ng bigas ay dahil sa korapsyon sa ahensya.
Pero para kay Deputy Majority Leader Jude Acidre, hindi naman dapat gamitin ang isyu ng korapsyon para ipagkait sa tumbayan ang murang bigas.
Mayroon naman kasi aniyang mga paraan para tugunan ito.
“…sa tingin ko ho kung korapsyon, hindi naman ho siguro ang solusyon doon ay pigilan natin ang pagkakataon ng ating mga kababayang mahirap na magkaroon ng pagkain hindi ba? Or access sa mas murang bigas. I think there are more effective mechanisms to reduce the prevalence of corruption, the likelihood of corruption as indicated by Senator Villar, other than taking away the access of the poor for more affordable rice,” giit ni Acidre
Ayon naman kay Assistant Majority Leader Mikaela Suansing na totoo ang sinabi ng senadora tungkol sa korapsyon sa NFA, ngunit nagbago na ang panahon ay kailangan nang i-re-evaluate ang batas.
Pagsiguro pa ni Suansing na isa sa mga may akda ng RTL amendment na maisasama sa panukala ang pagkakaroon ng safeguards upang maiwasang magkaroon ng katiwalian.
“Yun din po yung rational na isinulong kung bakit gustong tanggalan ng mandato ng NFA na bumili ng bigas at magbenta ng bigas direkta sa merkado pero siguro po ngayon, I believe we have to re-evaluate that because we’ve seen the impact of it, the tangible impact of it to the Filipino consumers. Tulad nga po ng sinabi ni DML Jude, maraming paraan para panagutin yung NFA, ngayon po na i-introduce namin yung amendments, pwede namin kasi siyang i-craft yung mismong provision at yung implementing rules and regulations such that ma-limit yung access ng NFA in the parts of the processes that may solicit corruption on their part,” paliwanag ni Suansing.
Sabi pa ng Nueva Ecija solon na sa gagawing amyenda ngayon ng Kamara ay titiyaking maisasama ang angkop na probisyon upang hindi mahaluan ng korapsyon ang pagsusulong para sa murang bigas.
“I would personally assure Senator Cynthia Villar that I will make sure that the way that we craft the provision in terms of reinstating the mandate of NFA would be less po to corruption, so that’s the assurance naman po that we give on the part of the House, we have so many great technical staff here and NFA resource persons are very much cooperative naman po during our hearing, so we’ll make sure that the provisions are crafted the right way this time,” dagdag ng Nueva Ecija lawmaker. | ulat ni Kathleen Jean Forbes