Mariing kinondena ni Presidential Peace Adviser Secretary Carlito Galvez Jr. ang pagpapasabog ng granada sa isang Katolikong kapilya sa Cotabato City noong Linggo na ikinasugat ng dalawang tao.
Sa isang kalatas, sinabi ng kalihim na ang insidente na isinagawa sa araw ng pananampalataya ng mga Katoliko ay direktang pag-atake sa commitment sa “religious freedom” at “peaceful coexistence” ng mga Pilipino, at pagbalewala sa buhay ng tao.
Ipinaabot ng kalihim ang kanyang simpatya sa mga pamilya ng mga biktima kasabay ng panalangin para sa kanilang mabilis na paggaling.
Inihayag ni Sec. Galvez ang pakikiisa ng Office of the Presidential Adviser for Peace Reconciliation and Unity (OPAPRU) sa Catholic Community sa Cotabato City at Bangsamoro Autonomous Region sa gitna ng mga hindi inaasahang hamon.
Tiniyak ng kalihim na gagawin ng pambansang pamahalaan ang lahat para panagutin ang mga responsable sa insidente. | ulat ni Leo Sarne