Isa sa nakikitang pangmatagalang solusyon ni Deputy Majority Leader Jude Acidre sa problema ng pagbaha sa bansa ay ang pagpapatibay sa panukalang batas na magtatatag sa Department of Water Resources.
Sa pulong balitaan sa Kamara, natanong ang mga mambabatas kung ano ang mga hakbang na maaaring maitulong ng Kongreso para makatulong sa flood mitigation.
Sabi ni Acidre, tapos na nila sa Kamara ang DWR Bill at hinihintay na lang na aksyunan ng Senado.
“Mayroon ding solusyon na nagawa na ng House pero inaantay namin yung realization. Sana kung maipasa ho ng Senate ang Department of Water, it would have been a more durable, long term solusyon. Kasi ang problema lang naman natin, whether kulang ng tubig o sobra ng tubig, pero with the proper mechanism of managing our water resources through Department of Water, magiging mas komprehensibo at pro-active po ang response ng ating pamahalaan,” saad ni Acidre.
Kasama ang DWR sa LEDAC at SONA priority measure ng Marcos Jr. administration na layong ayusin ang pamamahala sa katubigan sa bansa.
Nitong Martes nang magpulong sina House Speaker Martin Romualdez at mga pinuno ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan bilang paghahanda sa papasok na panahon ng tag-ulan.
Payo naman ni 1-Rider party-list Rep. Rodge Gutierrez sa publiko na matutong magtapon ng basura sa tamang lugar.
Maliit na hakbang lang aniya ito ngunit malaking tulong upang maiwasang mabarahan ang mga daluyan ng tubig.
“Panawagan po sa ating mga kababayan, mag paka Grade 1 po tayo, wastong pagtapon ng basura po. It seems to be the primary concern po ng ating MMDA surprisingly, maliit na bagay lang po yan pagtapon ng ating plastic, pagtapon ng ating mga basura, malaki po yung epekto nito pag mali po yung ginagawa, pag hindi po wasto ang pagtapon po nito,” sabi ni Gutierrez.
Hinimok din nito ang taumbayan na gamitin ang Hazard Hunter App.
Dito maaari aniya makita ang mga flood at landsline prone areas.
“…meron app po yung DOST, yung Hazard Hunter App sana po makatulong po ito sa ating mga kababayan. I-check po natin yung app na to, makikita po natin yung areas po na flood prone, yung areas rin na landslide prone and makakatulong po ito dito sa mga probinsya na medyo delikado, usually hazardous with La Niña,” dagdag ng party-list solon.| ulat ni Kathleen Forbes