Para kay Senate President Francis ‘Chiz’ Escudero, dapat ang mga nag-aakusa o nagdududa sa pagka Pilipino ni Bamban Mayor Alice Guo ang magpatunay na hindi ito Pilipino.
Sa ngayon, ang bola aniya ay nasa Solicitor General na, para maghain ng quo warranto petition sa korte na kukwestiyon sa citizenship at qualifications ng alkalde.
Aminado si Escudero, na may rason naman talaga para mag-alangan sa pagka-Pilipino ni Guo… gayunpaman ang presumption ay nananatili pa rin bilang nakatakbo naman ito, may registered voter at may passport rin.
Gaya rin aniya ito ng kaso noon ni Senator Grace Poe kung saan kinatigan ng korte ang pagiging Pilipino kahit pa hindi kilala ang biological parents nito dahil sa pagiging foundling.
Kaya naman ang burden of proof ay nasa nag-aakusa…
Sang ayon rin ang Senate President sa pagiging ministerial lang ng papel ng Comelec sa pagtanggap ng mga papel ng mga nais kumandidato sa pagiging opisyal ng pamahalaan.
Paliwanag ni Escudero, kung bibigyan kasi ng kapangyarihan ang Comelec na mag-disqualify ng mga kandidato ay pwede itong magamit ng sinumang administrasyong nakaupo na mag-disqualify ng mga kandidatong ayaw nila. | ulat ni Nimfa Asuncion