Suportado ng Department of Agriculture ang panukalang amyenda ng Kamara sa RA 11203 o Rice Tariffication Law kasama ang probisyon para maibenta muli ang murang NFA rice sa merkado.
Ito kasunod na rin ng pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na sesertipikahan nito bilang ‘urgent’ ang panukalang ma-repaso ang RTL.
Ayon kay DA Spokesperson Asec. Arnel de Mesa, kapag nasertikipahan na bilang urgent ang panukala, mas magiging mabilis ang usad nito sa kongreso.
Naniniwala naman si De Mesa na napapanahon ang amyenda sa RTL bilang intervention sa gitna ng epekto sa rice sector ng El Niño at nakaambang na banta ng La Niña.
Ito ay para masiguro aniyang mananatiling abot-kaya pa rin ang bigas lalo na sa mga mahihirap.
Kumpiyansa rin si Asec. De Mesa na anuman ang maipapasa sa kongreso ay dadaan ito sa masusing pag-aaral ng mga eksperto.
Kasama na rito ang magiging konsiderasyon sa presyo na hindi naman ikalulugi ng NFA at makapagbibigay pa rin ng murang bigas sa mamamayan.
Sa ngayon, pinaiiral ng NFA council ang presyuhan na 20% na mas mababa sa kasalukuyang market price. | ulat ni Merry Ann Bastasa