Ikinagalak ni Senate Committee on Tourism Chairperson Senador Nancy Binay na maging si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay kinikilala ang iba’t ibang Pinoy street food bilang mahalagang sangkap ng pagpapaangat ng turismo ng bansa.
Ayon kay Binay, ang mga street delicacies ng Pilipinas ay nag-aalok ng raw at authentic na pasilip sa mga kultura at flavors ng iba’t ibang lugar sa ating bansa.
Una nang sinabi ng senador na dapat tulungang maiangat ang kalidad ng mga pagkaing Pilipino dahil malaki ang potensyal ng food tourism sa ating bansa at isa rin itong epektibong marketing tool.
Ang mga malikhaing street vendors aniya ang pwedeng i-credit sa pag-transform ng mga simpleng lokal na rekado at gawin itong mga masasarap na putaheng maituturing na truly Pinoy.
Sinabi pa ni Binay na kung tutuusin, ang mga authentic na street food sa bawat probinsya o rehiyon ay nakakatulong sa ating mayamang culinary traditions at nagpapakita na rin ng kultura ng Pilipinas.
Una rito, isinulong ni Pangulong Marcos sa kanyang vlog ang “Chibog” o food tourism kung saan inisa-isa nito ang mga tanyag na pagkaing Pinoy na kinagigiliwan ng mga turista.
Hinimok rin ng Punong Ehekutibo ang ating mga kababayan na suportahan ang mga maliliit na negosyante na nasa food business. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion