Naghain ng panukalang batas si United Senior Citizens Party-list Representative Milagros Aquino-Magsaysay para makapagpatayo ng community-based daycare centers para sa mga senior citizens.
Sa ilalim ng House Bill 10362 o Senior Citizens Day Care Center Act of 2024, magbibigay ng educational, health at socio-cultural na programa at serbisyo sa naturang mga daycare centers.
Kasama dito ang socialization activities, arts and crafts, at simpleng mga ehersisyo.
Magkakaroon din aniya ng mga health check-up, occupational, speech, at physical therapy; at special services, gaya ng early screening o testing para sa Alzheimer’s disease at dementia.
Giit ni Aquino-Magsaysay marami sa mga senior citizen, lalo na ang mga namatayan ng asawa o nag retiro na ay kailangan ng suporta upang makapag-adjust o masanay sa mga pagbabago sa buhay.
Umaasa rin ang mambabatas na sa pamamagitan nito ay matugunan ang tumataas na kaso ng pag-abandona at homelessness o nawawalan ng tirahan.
Sakaling maisabatas, kukunin ang pondo para sa daycare center sa budget ng LGU o kaya mula sa mga donasyon.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority noong 2020, tinatayang mayroong 9.22 million na senior citizen sa Pilipinas. | ulat ni Kathleen Forbes