Inihayag ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang kahalagahan ng pagbuo ng Department of Water (DWR) at Water Regulatory Commission (WRC) upang mapalakas ang pamamahala at regulasyon ng tubig sa bansa.
Sa isang policy note na inilabas noong May 17, binigyang-diin ang pangangailangang tugunan ang kakulangan sa imprastraktura at mapabuti ang pamamahala ng sektor ng tubig sa bansa.
Ayon kay NEDA Secretary Arsenio Balisacan, ang hakbang na ito ay alinsunod sa Philippine Development Plan 2023-2028 at Integrated Water Resources Management Plan, na naglalayong matiyak na ang bawat Pilipino ay may sapat na suplay ng tubig anumang oras.
Layon din nitong matugunan ang hindi pantay na distribusyon ng suplay ng tubig sa iba’t ibang rehiyon ng bansa, at ang lumalaking demand para sa tubig dahil sa paglaki ng populasyon.
Sa pamamagitan ng pagtatatag ng DWR at WRC, inaasahang magkakaroon ng central agency na tututok sa patakaran at pamamahala ng tubig, na makatutulong sa mas mahusay na pagpaplano at pagpapatupad ng mga solusyon sa suliranin ng tubig sa bansa. | ulat ni Diane Lear