Muling pinagtibay ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma ang pangako ng kagawaran sa pagtulong para sa local integration ng mga indibidwal tulad ng mga refugee, asylum seeker, at stateless persons sa bansa sa pamamagitan ng iba’t iba nitong mga inistiyatiba.
Ito ang naging pahayag ng DOLE Secretary matapos ang isinagawa pulong nito kasama ang United Nations High Commissioner for Refugees (UNHCR) Philippines sa pangunguna ni Ms. Maria Ermina Valdeavilla-Gallardo.
Kanilang tinalakay ang pagtulong at suporta sa vulnerable population kung saan kabilang ang mga refugee, asylum seeker, at stateless persons.
Ilang programa na ng DOLE ang nakalatag na at handa para sa pagtulong sa nasabing sektor tulad ng DOLE Integrated Livelihood and Emergency Employment Program, pag-iisyu ng Alien Employment Permits, at pagbibigay ng patnubay sa mga Public Employment Service Office upang mapadali ang pag-eempleyo ng mga persons of concern.
Ayon sa ulat ng UNHCR noong Disyembre 31, 2023, mahigit 128,000 katao ang nasa ilalim ng kanilang pangangalaga sa Pilipinas, karamihan ay matatagpuan sa National Capital Region at CALABARZON. | ulat ni EJ Lazaro