Sinang-ayunan ng ilang mga senador ang desisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na huwag tapatan ng paggamit ng water cannon ang pagdepensa sa ating teritoryo sa West Philippine Sea laban sa China.
Ayon kay Senate Committee on National Defense chairman Senador Jinggoy Estrada, hindi rin aniya kailanman solusyon ang paggamit ng dahas.
Aniya, responsibilidad ng ating bansa na manatiling matatag sa pagbabantay ng ating maritime at sovereign rights sa pamamagitan ng rule-based approach at sinabi ni Estrada na kabilang dito ang paggamit ng mga diplomatic channels at mapayapang paraan ng pagresolba ng hindi pagkakaunawaan.
Ang posisyong ito ni Pangulong Marcos ay nagpapakita lang aniya ng dedikasyon sa pagtataguyod ng stability, diplomacy at long-term interest ng Pilipinas.
Samantala, sinabi naman ni Senate Special Committee on Maritime and Admiralty Zones chairman Sen. Francis Tolentino na maituturing na praktikal at responsable ang desisyon ni Pangulong Marcos.| ulat ni Nimfa Asuncion