Nagsimula nang sumabak sa digital age ang lalawigan ng Ilocos Norte sa paglulunsad nito ng Paleng-QR Ph Plus program sa pakikipagtulungan sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na layong palakasin ang digital transactions sa mga establisyimento, negosyo, at transportasyon sa lugar.
Pinangunahan ni Ilocos Norte Governor Matthew Marcos Manotoc at Laoag City Mayor Michael Marcos Keon, ang paglulunsad ng nasabing inistiyatiba na magtataguyod ng cashless transactions sa tulong na rin ng BSP kung saan naroon din si BSP Deputy Governor Bernadette Romulo-Puyat.
Dito, ipinakilala ni Puyat ang programang gumagamit ng QR technology na magpapalakas ng financial inclusion sa mga taga-Ilocos at pag-access sa iba pang mga serbisyo tulad ng credit, savings, at investment.
Ipinaabot naman ni BSP Governor Eli Remolona Jr. ang kanyang mensahe sa mga taga-Ilocos kung paano ang teknolohiya ng QR Ph ay isang game-changer na magpapagaan ng buhay ng lahat.
Noong 2023, ipinasa ng lokal na pamahalaan ng Laoag ang isang ordinansa para sa paggamit ng digital payments sa mga establisyimento at local transportation.
Kasabay naman ng nabanggit na kaganapan ang ‘Piso Caravan’ ng BSP para sa pagpapalit ng mga unfit na perang papel at barya kapalit ng mas maayos na pera o hindi naman kaya ay electronic money. | ulat ni EJ Lazaro