Hindi dapat ikabahala ng publiko ang inilabas na memorandum ng Department of Health (DOH) kaugnay sa pagpapaigting ng ginagawa nitong quarantine o pagbabantay sa ports of entry ng Pilipinas.
“Totoo po iyong mayroon kaming inilabas sa Bureau of Quarantine na memorandum na nagpapaigting ng pagbabantay ng ating kwarantina sa ports of entry.” —Domingo
Pahayag ito ni Health Asec. Albert Domingo sa gitna ng ginagawang pagbabantay ng Singapore sa FLiRT variant ng COVID – 19.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ng opisyal na hindi dapat ika-alarma ng publiko ang hakbang na ito.
Pinalalakas lamang kasi aniya ng pamahalaan ang pagbabantay nito laban sa pagpasok ng KP.2 at KP.3 na sub-variants ng COVID-19.
Pagsisiguro ng opisyal, mild lamang ang mga ito at kayang-kaya ng health system ng Pilipinas na tugunan ito.
“Hindi ito dapat dahilan para maalarma tayo. Tayo po ay nagmamatiyag para sa pagpasok kung mayroon man ng ating KP.2 and KP.3 COVID variants. Mild po sila, hindi ho problema iyan at kayang-kaya ng ating sistema.” —Domingo | ulat ni Racquel Bayan