Inanunsiyo ng Land Transportation Office (LTO) na wala nang backlog ang pamahalaan sa pamamahagi ng lisensya at plaka ng mga sasakyan pagsapit ng July 1.
Sa katatapos lamang na sectoral meeting sa Malacañang, sinabi ni LTO Assistant Secretary Vigor Mendoza na nasa 9.7 million na license cards ang na-bid na ng gobyerno.
“Humigit-kumulang mga 9.7 million cards – na-bid-out na iyan ng ating DOTr at LTO – so there is no reason why we will not have enough cards for the entire year. Dahil dito, by July 1 of this year, dapat wala nang backlog. And we can see that on track tayo diyan. Iyong mga nag-expire po ng April 30, nagri-renew na sila ng kanilang mga cards; pati iyong mga last year, tuluy-tuloy ang kanilang pagri-renew ng cards.” -Mendoza.
Sapat na aniya ito upang matugunan ang pangangailangan ng mga motorista para sa buong 2024.
“Soon we will also launch iyong ating courier service, parang passport. Kung ayaw mong kunin iyong card sa LTO, you can just—mayroon po tayong ilulunsad na parang SMS website na you can choose whatever courier you chose from that is accredited by the government para sa ganoon parang passport, you can just have your license card delivered to you.” -Mendoza
Pagsisiguro ng opisyal, may 11 araw ang dealer at personnel ng LTO mula sa pagsusumite sakanila ng mga dokumento upang i-proseso at maibigay sa mga motorista ang kanilang plaka.
“And to this effect, today we issued around over a hundred show cause orders to dealers to explain, bakit hindi nila nabigay iyong mga plaka sa ating mga motorista.” -Mendoza
Padadalhan aniya nila ng show cause order ang mga hindi makatatalima sa itinakdang panahon na ito.
“We will continue to discipline our ranks, kasama rin iyong mga LTO na who will not comply with the five-day requirement. Ang amin namang commitment sa ating mga dealer, pag-submit ninyo sa amin ng mga dokumento ninyo, within five days, kailangan ilabas po namin iyong plaka, OR/CR at RFID.” -Mendoza. | ulat ni Racquel Bayan