Umaapela ang Department of Transportation (DOTr) sa mga tsuper at operators ng mga tradisyunal na jeep na bigong makapag-consolidate na huwag nang magpumilit pa sa pagpasada, simula ngayong araw (May 1).
Pahayag ito ni DOTr Executive Assistant to the Secretary Jonathan Gesmundo, makaraang matapos kahapon (April 30) ang deadline para sa franchise consolidation sa ilalim ng PUV Modernization program.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, ipinaliwanag ng opisyal na simula ngayong araw ituturing nang colorum ang PUVs na bigong makapag-consolidate.
Gayunpaman, hindi pa rin aniya huhulihin ang mga ito bagkus ay bibigyan sila ng pagkakataon na makapagpaliwanag.
Makalipas aniya ang dalawang linggo, kapag nabigyan na ng sulat at na-evaluate na ang paliwanag ng mga ito, at magpumilit pa rin sa pamamasada dito na aniya magaganap ang hulihan.
“Sana’y huwag nang humantong doon, ipinaliwanag ni LTFRB ang napakaraming malalaking mga penalties, huwag na tayong humantong doon, nabigyan na ho sila ng pagkakataon. At ang sinasabi ng DOTr, itong modernization program na ito ay mayroon pa ring mga component para iyong mga hindi napasama ay puwede pa ring magkaroon ng pagkakataon makapaghanapbuhay.” -Gesmundo. | ulat ni Racquel Bayan