Siniguro ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr na hindi bibitiw ang pamahalaan sa mga apektado ng El Niño phenomenon at patuloy na imomonitor ang sitwasyon ng mga ito.
Sa mensahe ng Punong Ehekutibo sa ginawang pamamahagi ng tulong sa mga magsasaka sa Isulan, Sultan Kudarat, sinabi ng Chief Executive na sama- samang susubaybayan ng mga nasa LGU, Office of the President maging ng mga nasa lehislatura ang kalagayan ng mga naapektuhan ng tagtuyot.
Ang pamahalaan aniya ay laging nakabantay sabi ng Chief Executive at hindi makakalimot sa mga nangangailangan.
Nanawagan naman ang Punong Ehekutibo sa mga nangangailangan nating mga kababayan na huwag mahihiyang lumapit sa pamahalaan.
Kailangan aniya nilang malaman kung sino ang dapat tulungan at mula dito ay makagawa ng aksiyon ang mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan, lokal man ito o nasyonal kahit hanggang umabot pa sa Office of the President. | ulat ni Alvin Baltazar