Nasa 188 na mga mambabatas ang bumoto pabor sa pagpapatibay ng House Bill 10178 o Overseas Electronic Registration and Voting Act.
Aamyendahan nito ang Republic Act 9189 o “Overseas Absentee Voting Act of 2003,” upang mapapalawak ang pamamaraan ng pagpaparehistro at pagboto ng mga overseas Filipinos at overseas Filipino workers.
Oras na maging ganap na batas, maaari nang gawin ang registration, certification, at transfer of registration ng overseas voters gamit ang mail o electronic means.
Kasama rin dito ang opsyon ng electronic voting, bukod pa sa in-person at mail-in.
Ayon kay OFW Party-list Representative Marissa Magsino, pangunahing may akda ng panukala, ang pagsasabatas nito ay magsisilbing statutory basis ng Commission on Elections (COMELEC) sa mga susunod na hakbangin pagdating sa paggamit ng internet sa pagboto gayundin para makakuha ng pampondo para dito. | ulat ni Kathleen Jean Forbes