Sa pamamagitan ng viva voce voting ay pinagtibay ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang panukala para mabigyan ng abot kayang funeral service package ang mga mahihirap na pamilya.
Salig sa House Bill 102 o Affordable Funeral Service Act na akda ni House Deputy Speaker at Cebu Rep. Duke Frasco, titiyakin ng mga funeral company na mayroon itong service package na hindi lalagpas sa P20,000 ang presyo.
Kasama sa package na ito ang mortuary service, kabaong, at mga kaugnay na serbisyo.
Giit ni Frasco na higit sa isang lehislasyon, ang panukalang ito ay binibigyang diin ang pagkilala sa social justice.
Sabi pa niya na kailangan siguruhin ng estado na mapangalagaan ang dignidad ng bawat Pilipino sila man ay buhay o pumanaw na.
“By passing the Affordable Funeral Service Act, the dignity of every Filipino is upheld, no matter the income class, and, equitable access to affordable funeral services is assured, alleviating the pain and sorrow that inevitably comes with death,” sabi ni Frasco. | ulat ni Kathleen Jean Forbes