Isinusulong ni Senadora Grace Poe ang pagpapasa ng isang panukalang batas na layong sugpuin ang vote buying at pagbebenta ng boto electronically.
Inihain ni Poe ang Senate Bill 2664 kasabay ang ika-20 anibersaryo ng ‘Hello Garci’ scandal at bago ang 2025 midterm elections.
Ayon sa senadora, nananatiling problema sa bansa ang ‘vote buying’ kahit pa nagbago na ang electoral system ng Pilipinas.
Kaya naman sa inihaing panukala ng senadora ay malinaw nang binibigyang kahulugan kung ano ang matatawag na ‘vote buying’.
Isinasama na dito ang paggamit ng mga electronic money transfer methods sa pagbili ng mga boto.
Isinusulong sa panukala ang amyenda sa depinisyon ng ‘vote buying’ sa ilalim ng Section 261 ng Omnibus Election Code para maisama ang paggamit ng teknolohiya at computer devices, software at mga application sa pagbili ng mga boto.
Itinatakda rin na mapatawan ng parusang pagkakakulong ng mula anim hanggang 10 taon ang mapapatunayang bumibili ng boto. | ulat ni Nimfa Asuncion