Panukalang amyenda sa Rice Tariffication law, aprubado na sa committee level sa Kamara

Facebook
Twitter
LinkedIn

Umusad na sa Kamara ang panukalang batas para amyendahan ang Rice Tariffication kasama ang pagbabalik ng kapangyarihan sa National Food Authority (NFA) na makapagbenta ng bigas sa mga pamilihan.

Ito’y matapos aprubahan ng House Committee on Agriculture and Food ang substitute bill ng pinag-isang panukala.

Ayon kay Quezon Representative Mark Enverga, Chair ng Komite, sa pamamagitan ng panukala masisiguro na may presensya ng NFA sa mga pamilihan.

Maliban sa mabibigyang access ang publiko sa murang bigas ay magiging panlaban din aniya ito sa mga mapagsamantalang traders sa merkado.

“So, again, as promised by the Speaker, this is a priority, that we will pass an amended RTL, Rice Tariffication Law. Wherein we will ensure that there will be the presence of NFA to stabilize the price of rice. Para ito nga po, will be affordable to our countrymen. Kinakailangan that they should also be there para panlaban din po ng gobyerno sa mga mapagsamantalang mga traders sa merkado.

Nilinaw naman ni Enverga na isa sa mga ikinonsiderang suhestyon ay ang pagkakaroon ng emergency situation para pumasok ang NFA.

Gayunman, maaaring kahit aniya wala ang ‘trigger’ na ito pumasok pa rin ang NFA para mapabagsak ang presyo.

Inihalimbawa naman ni Deputy Majority Leader Erwin Tulfo ang sitwasyon ngayon na bagamat walang idinedeklarang emergency ay makikita naman na sobrang taas ng presyo ng bigas na nasa P56.

“Yung purpose ng NFA dito is to stabilize. Pag medyo mataas na yung presyuhan ng mga retailers, ng mga traders, papasok ang NFA. So, like right now, walang dine-declare ng emergency. Pero, the way we look at it right now, yung committee, nasa emergency situation, tayo na 5P6, di ba? We need to bring it down.” Diin ni Tulfo.

Inaasahan naman na susunod na tatalakayin ang RTL amendment bill sa Committee on Appropriations. | ulat ni Kathleen Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us